-- Advertisements --

Apat na Pilipino, edad 27 hanggang 46, ang na-repatriate mula Cambodia matapos mabiktima ng scam syndicates na nag-ooperate sa Southeast Asia, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Martes.

Ayon kay BI Commisioner Joel Anthony Viado, iniimbestigahan na ang mga posibleng sangkot sa human trafficking.

Noong Hulyo 12 dumating sa NAIA Terminal 1 ang mga biktima mula Phnom Penh.

Nabatid na tatlo sa kanila ay umalis ng bansa bilang turista, habang ang isa ay dumaan sa tinatawag na “backdoor” o di-regular na ruta, na muling nagbukas ng usapin sa seguridad sa mga alternatibong exit points ng bansa.

Ikinuwento pa ng mga biktima na inalok umano sila ng trabahong may mataas na sahod at mabilis na deployment patungong Thailand. Ngunit pagdating doon, sila ay dinala sa Cambodia at pinilit umano gumawa ng online scam gaya ng love scams at phishing na target ang mga dayuhan.

Isa sa mga biktima ang naglakbay mula Palawan patungong Kota Kinabalu sa pamamagitan ng speedboat, bago dumaan sa Thailand, Myanmar, at Cambodia.