-- Advertisements --


Mananatiling sarado kahit sa darating mismo na Linggo, Enero 9, ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilalang Quiapo Church.

Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, kahit pista ng Poong Itim na Nazareno ang naturang petsa ay isasara pa rin ang nasabing simbahan para maiwasan ang pagsisikan ng mga deboto sa harap nang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) infections sa bansa.

Napagkasunduan aniya ng management ng Quiapo Church sa pangunguna ni Monsignor Hernando Coronel, na magdaos na lamang ng online masses gayong suspendido rin naman ang taunang Traslacion.

Umaapela ang alkalde sa mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na intindihin na lamang muna ang sitwasyon lalo’t patuloy na tumataas ang COVID-19 cases.

Dahil sa mga restriction, ipinagbabawal na rin ang pagdala ng mga replica statues.

Magpapatupad din ang pamahalaang lungsod ng liquor ban mula alas-6:00 ng gabi ng Enero 8 hanggang alas-6:00 ng umaga naman ng Enero 10.