-- Advertisements --

Susuportahan lamang ng minority bloc ang binuong independent commission na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects kung ang mga itinalagang miyembro ay malaya sa impluwensya ng politika at malalaking negosyo.

Ito ang naging kondisyon ng grupo sa pangunguna ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Cayetano, bagama’t pabor siya sa ideya ng commission, mag-uusap muna ang buong minority bloc bago magpasya kung susuportahan nila ito.

Itinalaga ng Malacañang bilang miyembro ng komisyon sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson, SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Binanggit ni Cayetano na napakahalaga ng kredibilidad ng komisyon, at kung ito’y magmumukhang may kinikilingan o may political agenda, maaaring mawalan ng tiwala ang publiko sa imbestigasyon.

Dagdag pa niya, may agam-agam ang minority bloc sa posibilidad ng conflict of interest.

Kung magtatalaga ang Malacañang, sana ay hindi ito magamit para sa political interest, lalo na kung ikokonekta sa 2028 elections.

Samantala, sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na suportado niya ang binuong independent commission for infrastructure. 

Ngunit iginiit niya na dapat ay kwalipikado ang mga miyembro at malinaw na magpapahayag na hindi sila tatakbo sa halalan.

Nakatakda mamaya ang pagpupulong ng minority bloc para pag-usapan kung susuportahan ang binuong independent commission na mag-iimbestiga sa umano’y koprapsyon sa flood control projects.