Mariing kinokondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang diumano’y iligal na aktibidad na kinasasangkutan ng isa sa mga tauhan nito, kaugnay ng online na pagbebenta ng mga loose firearms o mga baril na walang kaukulang lisensya.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, ang ganitong uri ng pag-uugali ay hindi katanggap-tanggap at walang puwang sa loob ng kanilang organisasyon.
Tiniyak niya na ang PCG ay hindi kukunsintihin ang anumang uri ng kriminal na aktibidad na ginagawa ng sinuman sa kanilang mga miyembro.
Base sa ulat mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isang miyembro ng Coast Guard na nakatalaga sa Coast Guard Station Manila ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa lalawigan ng Pampanga.
Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon ang CIDG tungkol sa iligal na aktibidad ng nasabing indibidwal.
Agad namang nag-utos si Admiral Gavan sa Coast Guard Station Manila na makipagtulungan nang buo at magbigay ng kanilang buong suporta sa isinasagawang imbestigasyon ng CIDG.
Binigyang-diin ni Admiral Gavan na kung mapapatunayang nagkasala ang nasabing tauhan at lumabag sa mga probisyon ng Republic Act 10591, na kilala rin bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act, ay agad-agad itong idi-dishonorably discharge o sisibakin sa serbisyo nang may kahihiyan.
Nanawagan din si Admiral Gavan sa lahat ng Coast Guardians na panatilihin ang kanilang disiplina at pangalagaan ang dangal at reputasyon ng Philippine Coast Guard sa kanilang paglilingkod sa sambayanang Pilipino.