Siniguro ng Quezon City Police District ang kahandaan, sakaling maging marahas ang mga kilos protesta na pangunahing isinasagawa sa ilang bahagi ng EDSA.
Ito ay sa gitna ng mga agam-agam na posibleng matulad sa mga rally na nagaganap sa Nepal at Indonesia ang mga serye ng rally dito sa bansa, lalo na’t magkakaparehong nakatuon ang mga protesta sa korupsyon na nangyayari sa gobiyerno.
Ayon kay QCPD Spokesperson Febie Madrid, handa ang pulisya sa tamang pagtugon sa mga mararahas na rally at demonstrasyon, upang hindi ito mauwi sa pisikalan o sakitan sa pagitan ng mga ralyista at mga pulis.
Nakahanda rin aniya ang mga pulis na tumugon sa anumang pangangailangan, kasabay ng realtime na pagsasagawa ng assessment sa mga nangyayaring demonstrasyon.
Sa kabila nito, nananatili ang apela ng pulisya sa mga ralyista na gawing payapa at sumusunod sa batas ang mga pagkilos at paglabas ng galit sa korupsyong bumabalot sa mga public infrastructure project.
Iginagalang aniya ng pulisya ang karapatan ng bawat isa na maghayag ng saloobin ngunit hindi dapat ito hahantong sa anumang marahas na demonstrasyon.