-- Advertisements --

Makakatanggap pa rin ng kaniyang performance based bonus (PBB) si dating Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III sa kabila ng pagkakaalis nito sa pwesto matapos ang 82 days.

Ayon kay Directorate for Personnel and Logistics budget division Chief PCol. Veronica Agusin, batay sa Fiscal Year 2023, kwalipikado pa ring makatanggap si Torre ng bonus na ito bilang Brigadier General at hepe ng Quezon City Police District na siyang ranggo nito noong taong 2023.

Batay sa computation, makakatanggap ng halos 45.5% ng kanilang mga base pay ang mga pulis na pasok sa benepisyong ito kung saan P36,000 ang matatanggap ng isang colonel, P41,000 ang para sa isang brigadier general habang P68,000 naman ang para sa mga heneral.

Ayon pa kay Agusin, ang mga bonus naman ay irerekta na sa kani-kanilang mga bank accounts.

Samantala, sa kabila ng magandang balita na ito, ang mga pulis na may pending administrative cases o may mga kinaharap na kaso at nabigyan na ng desisyon ay hindi na maaaring makatanggap ng PBB.