Minimal lamang ang naging epekto sa unang araw ng tatlong-araw na transport strike ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng transport cooperatives, mga law enforcement, at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang malawakang pagkaabala sa mga pasahero.
Kung saan nag-deploy ang LTFRB ng mga augmentation vehicles at nagtatag ng mga rapid response teams upang matulungan ang mga stranded na commuter.
Sa Quezon City, mahigit 1,000 pulis ang ipinakalat ng Quezon City Police District (QCPD) upang magbigay seguridad at tiyakin ang kaayusan sa mga pangunahing terminal at rally site. Naglunsad din ang QCPD ng libreng sakay gamit ang mga police vehicles para tulungan ang mga apektadong pasahero.
Sinabi ni P/Col. Randy Glenn Silvio ng QCPD na magpapatuloy ang kanilang pagtutok sa seguridad habang iginagalang ang karapatan ng mga nagpoprotesta.
















