-- Advertisements --

Mahigit 1,000 pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) ang ipinakalat upang tiyakin ang kaligtasan, kaayusan, at tuloy-tuloy na biyahe ng publiko sa gitna ng tatlong (3)-araw na tigil pasada ng mga grupong PISTON at Manibela mula Setyembre 17 hanggang 19.

Kabilang sa mga ipinakalat na puwersa ay mga Mobile Patrol Units, Motorcycle Units, Foot Patrols, Traffic Assistance Units, Checkpoints, Civil Disturbance Management Teams, Drone Units, at District Reactionary Standby Support Force.

Upang matulungan ang mga stranded na pasahero, inilunsad din ng QCPD ang Libreng Sakay gamit ang mga police vehicle sa piling lugar sa lungsod.

Tiniyak ni QCPD Acting District Director P/Col. Randy Glenn Silvio na mananatiling mahinahon at makatao ang mga pulis habang ginagalang ang karapatang magpahayag ng saloobin sa mapayapang paraan.

Nanawagan din ang QCPD sa mga kalahok ng kilos-protesta na panatilihin ang kaayusan, habang bukas naman ang tulong mula sa kapulisan sa pamamagitan ng E-911, QC Helpline 122, o opisyal na Facebook page ng QCPD.