Magsasagawa ng transport strike ang grupong Manibela simula ngayong Lunes, Oktubre 13 hanggang sa Miyerkules, Oktubre 15 bilang protesta laban sa Department of Transportation–Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT).
Ayon sa Manibela, naging mabagsik at mapang-abuso umano ang ahensiya sa mga tsuper kahit sumusunod naman sila sa mga patakaran ng ahensya.
Giit ng grupo, marami pa ring mga tsuper ang hinuhulihan at pinapatawan ng mabibigat na multa kahit maayos at kumpleto ang kanilang mga unit.
Nagsimula ang welga alas-12 ng hatinggabi ngayong Lunes, at nagsasagawa ng rally sa Petron-Commonwealth, Philcoa, Quezon City simula kaninang alas-6 ng umaga.
Layunin ng kilos-protesta na ipanawagan ang mas makataong trato sa mga tsuper at reporma sa pagpapatupad ng mga patakaran sa transportasyon.
Samantala, binatikos din ng Manibela si DOTr-SAICT Assistant Secretary Tracker Lim, asawa ni DUMPER Party-list Representative Claudine Bautista Lim, na ayon sa grupo ay dapat tumutulong sa mga tsuper at operator, ngunit sa halip ay pinababayaan at pinahihirapan umano ang mga ito.