Hindi na gaanong ramdam ng mga pasahero sa Marikina at Pasig City ang epekto ng tigil pasada dahil marami na uling jeepney ang bumibiyahe.
Ilang driver sa Maynila na miyembro ng grupo ay nagpasya munang bumiyahe upang kumita sa kabila ng protesta.
Sa Parañaque City, tuloy-tuloy ang biyahe ng mga jeep ngayong umaga kaya’t normal ang daloy ng transportasyon.
Ang tigil-pasada ay bahagi ng tatlong araw na nationwide strike mula Disyembre 9 hanggang 11, 2025 na layong ipanawagan ang pagtutol sa mabagal na proseso at mataas na multa sa mga tsuper at operator.
Ayon kay MANIBELA Chairperson Mar Valbuena, wala silang ibang opsyon kundi magprotesta dahil hindi natutugunan ng pamahalaan ang kanilang hinaing.
Sa kabila ng panawagan ng Malacañang na huwag nang ituloy ang strike, nanindigan ang grupo na ipagpatuloy ito.
Sa kabuuan, nananatiling limitado ang epekto ng tigil-pasada sa Metro Manila dahil marami pa ring tsuper ang bumibiyahe para sa kanilang pang-araw-araw na kita.















