Mariing kinondena ng Japan ang pagbisita ni Russian President Vladimir Putin sa isang pinagtatalunang isla malapit sa teritoryo ng bansa.
Bumisita si Putin sa Iturup, na tinatawag namang Etorofu ng Japan, isa sa apat na isla sa Kuril chain na inaangkin ng Tokyo ngunit kontrolado ng Russia.
Sinabi ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na hindi katanggap-tanggap ang pagbisita ni Putin dahil masakit umano ito para sa mga Japanese.
Agad ding ipinatawag ng Japanese Foreign Ministry ang Russian ambassador sa Tokyo upang ihain ang pormal na protesta.
Samantala, iginiit ng Russian Embassy na bahagi ng teritoryo ng Russia ang mga isla at legal umano ang pagkakabilang ng mga ito sa kanilang bansa.
Ang apat na isla ay sinakop ng Soviet Union ilang araw matapos sumuko ang Japan noong World War II.
Hanggang ngayon, patuloy itong inaangkin ng Japan at naging pangunahing dahilan ng hindi pa pagkakaroon ng pormal na peace treaty ng dalawang bansa.
Lalong lumamig ang relasyon ng Moscow at Tokyo matapos ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022, kung saan sumali ang Japan sa mga bansang nagpatupad ng sanctions laban sa Russia.















