-- Advertisements --

Kapansin-pansin ang ilang mga puntod ng mga kilalang personalidad nakalagak sa Manila North Cemetery ngayong ginugunita ng mga Pilipino ang Undas.

Makikita na ang mga puntod ng mga batikang aktor, aktres, dating opisyal, senador at maging ilang mga naging pangulo ng bansa ay inilayan ng mga bulaklak.

Sa loob kasi ng naturang sementeryo ay dito matatagpuan ang libingan ng ilang mga kilalang personalidad na namayapa at sumakabilang buhay na, ilang taon nakalilipas.

Pagpasok ng Manila North Cemetery, kaunting lakad lamang ay makikita ang puntod ni dating Pangulong Sergio Osmena Sr.

Sumunod rito’y puntod naman ni dating senador Claro M. Recto.

At sa may kabilang dako naman naman ay matatagpuan ang puntod ng mayapang president ng Pilipinas na si Pangulong Ramon Magsaysay.

Pati puntod ni former President Manuel Roxas ay makikita’t matatagpuan sa loob ng Manila North Cemetery.

Maging ang puntod ng dating alkalde ng lungsod ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim ay makikitang inalayan din ng mga bulaklak.

Samantala, sa bahaging dulo naman ng sementeryo matatagpuan ang libingan ng batikan aktor at kinikilalang hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. kasama ang kanyang asawa na si Susan Roces.

Dito nakapanayam ng Bombo Radyo Philippines si Fred Teves, tagahanga, kung saan ibinahagi niyang mas pinili na ngayong araw bumisita sa puntod ng mahal sa buhay at hinahangaang aktor upang di’ na makipagsabayan bukas.

Habang ang isa pang masugid na tagahanga ni Fernando Poe Jr. na si Rommel Santos ay ibinahaging matapos bumisita sa punto ng mahal sa buhay, taun-taon aniyang di’ kinaliligtaan bumisita sa puntod ng aktor.

Matagal na raw niya itong idolo at pinapanood ang mga pelikulang ginawa at pinagbidahan ni FPJ.

Nakaranas naman ng pabagu-bagong lagay ng panahon ang mga bumisita sa Manila North Cemetery kung kaya’t mas mainam na magdala ng payong sa pagpunta ngayong Undas.