Ibinahagi na ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang ilang mga paalala at paghahanda para sa nalalapit na paggunita ng Undas ngayong taon.
Kanyang inilatag o inihayag ang ilang mga dapat di’ malimutan at mabigyang atensyon ng publiko lalo na sa mga makikibahagi para sa naturang okasyon.
Mula sa Manila North Cemetery inanunsyo nito kasama si Esther Margaux ‘Mocha’ Uson sa kanilang pampublikong panayam na hanggang October 27, 2025 na lamang ang itinakdang araw para sa pagkukumpini o pag-aayos ng kani-kanilang mga puntod.
Habang simula October 29 hanggang November 2 naman ay bukas ang sementaryo simula alas-singko ng umaga na magsasara sa oras na alas-nueve ng gabi.
Ganito rin ang itinakdang skedyul o oras ng pagdalaw sa sementeryo ng Manila South Cemetery.
Subalit hanggang ika-26 lang ang itinakdang huling araw para sa mga nais mag-ayos o maglinis ng kanilang mga puntod para sa nabanggit na sementeryo.
Kung kaya’t pinaalalahan at hinimok naman ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na manatiling nakatutok sa kanila pang mga iaanunsyo sa mga susunod na araw.
Mahigpit anilang ipinagbabawal sa loob ng sementeryo ang ilegal na gamot, kutsilyo o baril, malakas na tugtog, sigarilyo, alak at pagsusugal.