-- Advertisements --

Tinatayang 30,000 katao ang bumisita sa Manila North Cemetery nitong Linggo, Oktubre 26, isang linggo bago ang pagdiriwang ng Undas, upang dalawin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon sa pamunuan ng sementeryo, nagulat sila sa dami ng dumagsa dahil inaasahan pa nilang dadami ang mga bisita sa Oktubre 28 o 29.

Isa sa mga nakitang dahilan ay ang wellness break ng Department of Education (DepEd) mula Oktubre 27 hanggang 30, na ginamit ng marami upang maagang makadalaw.

Nagdulot ito ng mabigat na trapiko sa paligid ng sementeryo.

Mananatiling bukas ang Manila North Cemetery mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, ngunit paalala ng pamunuan ipagbabawal na ang pagpasok ng mga sasakyan simula Oktubre 29.

Pinayuhan din ang publiko na gamitin ang Puntod Locator sa kanilang website para hanapin ang lokasyon ng mga puntod.