-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng Manila North Cemetery na hindi 100% accurate ang Puntod Finder dahil sa mga nasira o matagal nang record ng mga nakalibing sa sementeryo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, sinabi nitong ang paglunsad ng Puntod Finder ay dahil na rin sa mga problema noong mga nakaraang Undas.

Ang bagong sistema na ito ay bahagi, aniya, ng kanilang pagsisikap na matiyak ang mas maayos at mas madaling ma-access na paggunita ng Undas sa mga pampublikong sementeryo sa Maynila ngayong taon.

Ito rin, aniya, ay upang maging maayos ang daloy ng mga tao na bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sinubukan din nating magpa-asiste sa Puntod Finder Assistance Desk para alamin kung mahahanap nito kung saan nakalagak ang aking ama.

Base sa memorial details, hindi natukoy sa mapa kung saan banda 

nakalibing, ngunit nakatala sa section part ang numero ng street sign upang matunton ang puntod.

Samantala, naglunsad din ngayong taon ng wristband tagging para sa mga bata.

Kinakabitan ng wristband na may impormasyon ng kanilang kasama sakaling mahiwalay sila sa kani-kanilang pamilya.

May kaso na raw na nawalay ang isang bata sa kanyang kasama  ngunit may isang concerned citizen ang tumulong sa kanya.

Dahil dito, sinabi ni Director Tan, good feedback ang kanilang natatanggap sa help desk na ito.

Bukas ang Manila North Cemetery mula alas-singko ng umaga hanggang alas-nuebe ng gabi hanggang Linggo, Nobyembre 2.

Samantala, magbabalik ang regular na operasyon, kabilang ang libing, sa Lunes, Nobyembre 3.

Muling paalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery:

– Ipinagbabawal ang lahat ng uri ng inuming nakalalasing
– Bawal magpasok ng mga alagang hayop tulad ng aso at pusa
– Bawal magdala ng anumang uri ng patalim, matutulis na bagay, o mga gamit na makakasakit
– Hindi pinapayagan ang pagsusugal sa loob ng sementeryo
– Bawal ang gitara, malakas na sound system, at speaker
– Ipinagbabawal ang mga bagay na madaling magliyab gaya ng alcohol, thinner, at iba pa