Bahagyang tumaas ang presyo ng mga panindang bulaklak ngayong araw sa labas ng Manila North Cemetery para sa darating na pagdiriwang ng Undas 2025.
Kabilang sa mga karaniwang bulaklak na mabibili ay orchids at radus. Ang radus ay nagkakahalaga ng P50 para sa tatlong pirasong nakabalot sa plastic, P100 kung nakalagay sa base, at P300 naman kung naka-basket.
Samantalang ang basket na may orchids ay umaabot sa P200.
Ayon kay Josie Galeno, tindera ng bulaklak at kandila sa labas ng Manila North Cemetery, tumaas umano ang presyo ng bulaklak mula sa mga supplier kaya’t napilitan din silang magtaas ng kaunti sa kanilang paninda.
Dagdag pa niya, ang radus ang madalas bilhin ng mga dumadalaw sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay dahil matibay ito at tumatagal ng hanggang isang linggo bago tuluyang malanta.
Samantala, wala namang pagtaas sa presyo ng mga kandila kumpara sa ordinaryong araw. Mabibili pa rin ang mga nakasupot na kandila sa halagang P25–P150 depende sa laki, habang ang kandilang nasa baso ay nagkakahalaga ng P75–P150.
Inaasahan ang pagdagsa ng tao sa darating na Sabado, Nobyembre 1, kaya’t naghahanda na rin ang mga nagbebenta ng bulaklak at kandila para sa kanilang mga posibleng mamimili.
 
		 
			 
        















