-- Advertisements --

Ikinababahala ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang mga nahakot na basura sa isang pumping station sa lungsod ng Pasay.

Kasabay ng halos walang tigil na pagbagsak ng malakas na ulan, kanilang nakolekta ang mga basurang gaya ng lumang muwebles, gulong, sanga ng kahoy at iba pang uri ng basura.

Partikular sa Tripa De Gallina Pumping Station, hinaing ngayon ng MMDA ang mga nahakot na basura na siyang anila’y posibleng makasira sa naturang pasilidad.

Kung saan ang mga bumarang sanga ng kahoy o miski mga maliliit na basurang itinatapon sa mga estero ay maaring makapaminsala sa ‘trash rake’ ng pumping station.

Anila’y ang mga pasilidad o kagamitang ito ng Metropolitan Manila Development Authority ay ang siyang humihigop sa baha lalo pa’t ngayong may kalakasan ang pag-ulan.

Bunsod nito’y nanawagan sa publiko si MMDA Chairman Romando ‘Don’ Artes na iwasan ang pagtatapon ng mga basura, maliit man o malaki sa mga estero.

Responsibilidad anila ng bawat isa ang itapon ng wasto ang mga basura nang sa gayon ay maibsan ang problema sa mga pumping station na siyang gamit sa pagtulong na mapahupa ang tubig baha.

Samantala ang ilang lugar sa lungsod ng Pasay ay lubog pa rin sa baha partikular na sa bahagi ng Maricaban at Villamor.

Kaya’t ininanunsyo na ng lokal na pamahalaan na mananatiling walang pasok ang mga mag-aaral sa lahat ng antas, pampubliko o pribadong eskwelahan man.

Habang pagtitiyak naman nila na mayroong mga rescue team ang nakahanda sakaling may mga residenteng mangangailangan pa ng agarang tulong.

Aabot na kasi sa 1,278 indibidwal o 462 ang nasa evacuation centers na lumikas buhat ng halos walang tigil na pag-ulan.