Reading Time: 1 minute

CENTRAL MINDANAO – Nasa maselang kondisyon ang isang pulis sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Patrolman Jeniel Malumbay Gonzalgo, 30, nakatalaga sa PNP 1203rd Regional Mobile Force Battalion (RMFB-12) at residente ng Antipas, North Cotabato.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Arnold Santiago na habang lulan ang biktima sa kanyang minamanehong multicab sa Brgy Galakit, Pagalungan, Maguindanao nang bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pagalungan.

Agad dinala ang biktima sa Cruzado Medical Hospital ngunit agad itong inilipat sa malaking pagamutan sa Kidapawan City dahil sa grabeng tama ng bala sa kanyang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pagalungan PNP sa pamamaril sa biktima.