-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihahanda na ng Police Regional Office o PRO-13 ang kasong administratibo na isasampa laban sa isang pulis na nagpaputok ng kanyang issued firearm sa Purok 1, Gamaon District, Barangay Mangagoy, Bislig City, lalawigan ng Surigao del Sur.

Matatandaang nahuli ang suspek na isang Police Master Sergeant matapos itong magpaputok noong Disyembre a-18 bandang alas-10:47 ng gabi, na nasaksihan ng isang concerned citizen na siyang nagsumbong sa mga pulis ng lungsod, dahilan ng kanyang pagka-aresto.

Batay sa pa-unang imbestigasyon, lasing umano ang nasabing pulis nang paputukin nito ang kanyang 9mm pistol.

Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal ng pamunuan ng Philippine National Police ang indiscriminate firing dahil nagdudulot ito ng panganib sa komunidad, lalo na tuwing holiday season na maraming taong nagdiriwang.

Ang pagkakasangkot ng mga pulis sa walang habas na pagpapaputok ng baril ay nagpapahiwatig na kailangang paigtingin pa ang internal discipline at monitoring sa loob ng hanay ng kapulisan.