-- Advertisements --
holdup1

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang district director ng Quezon City Police District (QCPD) at Internal Affairs Service (IAS) na bilisan ang legal na proseso para matanggal sa serbisyo ang pulis na nangholdap ng isang courier service sa Bulacan.

Layon nito na ganap nang malinis ang kanilang hanay mula sa mga bulok at utak kriminal nilang mga tauhan.

Batay sa ulat ng Police Regional Office-3, naaresto ang 29-anyos na si Cpl. Moises Yanga na solong mangholdap ito sa sangay ng LBC sa Barangay Camias, nitong nakalipas na Linggo ng hapon.

Sakay ng motorsiklo si Yanga na nakasuot ng kulay itim na bonnet, orange na helmet at itim na long sleeves, nang holdapin nito ang nasabing establisyemiyento subalit agad ding naaresto sa isinagawang hot pursuit operations ng mga otoridad.

Ang suspek ay nakatalaga sa QCPD na dumayo pa sa San Miguel, Bulacan para mangholdap at ngayo’y nakakulong na sa San Ildefonso Municipal Police Office.

Nakuha mula kay Yanga ang P5,000 cash, granada, 9mm caliber na service firearm kabilang na ang kaniyang PNP ID.

Kaugnay nito, iginiit ng PNP chief na panahon na upang baguhin ang recruitment sa hanay nila sa pamamagitan ng QR system upang hindi na makalusot ang mga katulad ni Yanga.