-- Advertisements --

Tiniyak ni Senador Ping Lacson na kung sakaling mabaligtad ang desisyon ng Korte Suprema sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, pangungunahan niya ang mosyon para ma-pull out sa archive ng Senado ang impeachment complaint at maisangguni muli sa impeachment court. 

Magugunitang si Lacson ang nag-iisang bumotong abstain na i-archive ang articles of impeachment laban kay Duterte.

Ayon sa senador, bukod sa kanya, posibleng makasama niya si Senate Minority Leader Tito Sotto na mag-mosyon upang makuha ito sa archive at matalakay muli. 

Ayon pa kay Lacson, bagama’t mas mabuting i-archive sa halip na tuluyang i-dismiss ang articles of impeachment, masalimuot pa rin ang proseso kung sakaling magbago ang pasya ng Korte Suprema at payagan ang impeachment trial.

Ipinaliwanag niya na sa pag-archive, kailangan pa ng panibagong mosyon sa plenaryo para muling ilabas ang kaso mula sa archive, na sasailalim sa debate at botohan.

Batay umano sa kanyang obserbasyon, matindi ang pagtutol ng mayorya sa pagpapasulong ng trial, kaya posibleng hindi ito muling buhayin.

Dagdag pa niya, malinaw na kailangan ng boto ng mayorya sa plenaryo para makalusot ang mosyon, hindi sapat ang limang boto na karaniwang naaangkop lamang sa committee hearings.

Una nang sinabi ni Senador Win Gatchalian na may dalawang paraan upang muling maibalik sa order of business ng Senado ang articles of impeachment laban kay VP Sara. 

Ayon sa senador, maaaring maganap ito sa pamamagitan ng boto ng limang senador para mahugot mula sa Senate archive ang impeachment complaint, o pagsuspinde ng mga rules sa pamamagitan ng boto ng mayorya o 13 senador.

Paliwanag pa ni Gatchalian, kailangan lamang na may maghain ng mosyon para ibalik ang impeachment case sa plenaryo at saka pagbotohan. 

Kapag kahit lima lang ang umayon dito, muling gugulong ang pagtalakay sa kaso.

Gayunpaman, iginiit ng senador na nakadepende pa rin ito sa magiging pasya ng Korte Suprema.