-- Advertisements --

Ipinupursige ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang pagbibigay ng special emergency powers kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mapabilis ang implementasyon ng national flood control program, sa harap ng patuloy na problema sa pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Libanan, ang emergency powers ay magbibigay daan sa pangulo upang malampasan ang mga bureaucratic delays at legal na balakid na humahadlang sa epektibong pagpapatupad ng mga proyekto sa flood control.

Kabilang sa mga hakbang na maaaring mapabilis ay ang: pagbili ng flood control equipment at materyales, pagkuha ng right-of-way para sa mga proyekto at relokasyon ng mga pamilyang apektado ng mga proyekto.

Dagdag pa ni Libanan, nananawagan siya sa Pangulo na mag-convene ng isang National Public-Private Flood Control Summit upang pagsama-samahin ang mga eksperto, teknolohiya, at resources para sa pagbuo ng isang Presidential Task Force on Flood Control.

Ang emergency powers ay nakasaad sa Article VI, Section 23 (2) ng 1987 Philippine Constitution.

Sa ilalim ng batas, maaaring bigyan ng Kongreso ang Pangulo ng kapangyarihang magsagawa ng mga hakbang sa panahon ng digmaan o pambansang emergency, ngunit ito ay dapat aprubahan ng Kongreso sa pamamagitan ng batas, may malinaw na limitasyon sa saklaw at tagal at maaaring bawiin anumang oras ng Kongreso sa pamamagitan ng resolusyon.

Sa mga nakaraang buwan, ilang rehiyon sa bansa ang nakaranas ng matinding pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan, kulang na drainage systems, at illegal structures sa mga daluyan ng tubig.

Maraming proyekto ang naantala dahil sa komplikasyon sa procurement, legal disputes, at kakulangan sa koordinasyon ng mga ahensya.

Giit ni Libanan, dapat nang kumilos ang pamahalaan upang linisin ang mga ilegal na istruktura sa mga daluyan ng tubig, ipatupad ang zoning laws at protektahan ang mga critical waterways.