Pansamantalang ipinagpaliban ng Philippine Ports Authority (PPA) ang planong pagtataas ng terminal fee sa Batangas Port mula Php 30.00 hanggang Php 100.00, bilang tugon sa umiiral na State of Calamity sa Oriental Mindoro.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ipinag-utos ang deferment sa petisyon ng Asian Terminals Inc. (ATI) para sa fee adjustment kasunod ng panawagan ni Gov. Bonz Dolor na huwag munang ituloy ang dagdag-singil habang hindi pa nakakaahon ang probinsya mula sa pinsalang dulot ng mga bagyo.
Nagsagawa na ng public consultation ang ahensya kasama ang mga maaapektuhang sektor, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga regular na pasahero upang masuri ang magiging epekto ng posibleng taas-singil sa pinakamalaking pantalan ng bansa.
Patuloy rin ang koordinasyon ng kagawaran sa mga lokal na awtoridad para sa mas mabilis na rehabilitasyon ng mga nasalanta. Kapag natapos ang ‘state of calamity’, muling tatalakayin ng PPA Technical Working Group ang petisyon ng Asian Terminals Inc (ATI) upang masigurong balanse ang interes ng mga pasahero, operasyon ng pantalan, at lokal na ekonomiya.