Arestado ang isang pulis at ang dalawang kasamahan nitong sibilyan sa buy bust operation na isinagawa sa Marikina City.

Nakilala ang pulis na si PO1 Adrian Patrick Pinalas, nakatalaga sa Personnel and Human Resource Development Section ng Quezon City Police District.

Habang ang dalawang sibilyan ay nakilalang sina alyas Christian at Jenalyn.

Mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Marikina Police ang nakahuli sa tatlo kung saan nasabat sa kanila ang limang plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang P1,000 bill na ginamit sa buy bust operation.

Ayon kay Marikina chief of police, Pol. S/Supt. Roger Quesada, nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang tatlo at kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang kakaharapin.

Samantala, tiniyak ni Quezon City Police Director C/Supt. Guillermo Eleazar na tuluyang masisibak sa serbisyo si PO1 Pinalas dahil zero tolerance ang ipinapatupad ng nila laban sa mga pulis na sangkot o gumagamit ng iligal na droga.

Inihahanda na rin sa ngayon ang kasong administratibo laban kay Pinalas at kasalukuyang nakakulong sa Marikina Police.

Bukod kay Pinalas, tinanggal din sa puwesto ang immediate superior nito na si Senior Inspector Ramil Dugan.