-- Advertisements --

Makalipas ang 13 paglilitis, pinawalang sala ng Manila Regional Trial Court Branch 27 ang 12 pulis mula sa patung-patong na kaso ng pagpatay may kaugnayan sa insidente ng pamamaril sa Atimonan, Quezon noong 2013 na kumitil sa 13 katao.

Sa desisyon ng korte, umakto umano ang mga pulis alinsunod sa paggampan ng kanilang tungkulin nang maharap sa panganib sa kasagsagsan ng operasyon na tumarget sa umano’y jueteng lord na si Vic Siman.

Ayon kay Judge Teresa Patrimonio-Soriaso, gumamit ang mga pulis at militar ng resonableng pwersa sa operasyon kung saan nagtamo ng seryosong injuries si PCol. Hansel Marantan bilang patunay ng agresyon mula sa mga suspek.

Nangyari ang operasyon noong Enero 6, 2013 sa may Maharlika Highway sa Atimonan, Quezon nang tangkaing salpukin ang checkpoint ng dalawang SUV lulan ang umano’y jueteng lord at kaniyang mga kasamahan na nagresulta ng palitan ng putok ng baril na nagtagal ng halos 20 minuto.

Maliban kay Marantan, ang 11 pulis pa na naabswelto ay sina Ramon Balauag, Grant Gollod, John Paolo Carracedo, Timoteo Orig, Joselito de Guzman, Carlo Cataquiz, Arturo Sarmiento, Eduardo Oronan, Nelson Indal, Wryan Sardea, at Rodel Talento.

Bunsod nito, ibinasura ang kanilang bail bond at tuluyan ng pinalaya habang ang isa pang opisyal na si Bhazar Jailani ay nananatiling nakatakas at naka-archive ang kaniyang kaso habang nakabinbin pa ang pag-aresto sa kaniya.