Inilikas ang mahigit 30 pamilya sa Navotas City dahil sa pagbaha dulot ng nasirang floodgate sa naturang lungsod.
Batay sa report na nakuha ng Bombo Radyo Philippines, binubuo ito ng kabuuang 121 katao na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Navotas Elementary School 1 at sa barangay hall ng Brgy San Jose.
Muling tumaas ang tubig sa mga komunidad, matapos itong hindi mapigilan ng mga sanbar na pansamantala sanang kapalit ng floodgate.
Samantala, nilinaw ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na operational na ang floodgate sa lugar ngunit kailangan na nito ng full rehabilitation dahil sa kalumaan.
Hindi aniya pwedeng isara ng buo ang Malabon-Navotas floodgate dahil labis itong kinakailangan. Gayunpaman, kailangan nang magkaroon ng malawakang rehabilitasyon sa naturang floodgate upang hindi palaging nasisira at naaapektuhan ang mga komunidad sa na direktang nakaharap sa dagat.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin itong binabantayan ng DPWH.