-- Advertisements --

Pinagtibay ng Muntinlupa City Regional trial court (RTC) ang desisyon nito na nagpapawalang sala kay dating Senator at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima at kaniyang driver na si Ronnie Dayan sa sabwatan umano sa kalakalan ng iligal na droga.

Ginawa ng korte ang naturang aksiyon matapos i-remand o isauli ng Court of Appeals Eight Division ang desisyon ng RTC noong Mayo 12, 2023 dahil sa kabiguan na talakayin ang partikular na napatunayang katotohanan gayundin ang mga batas kung saan ibinase ng hukom ang hatol sa pag-abswelto kiina De Lima.

Bilang tugon sa utos ng korte, iginiit ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara na ang pagbawi sa testimonya ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Rafael Ragos ay sapat na batayan para panindigan ng RTC ang constitutionally guaranteed presumption of innocence.

Matatandaan na sinabi noon ni Ragos na siya at ang aide na si Jovencio Ablen Jr. ay naghatid ng P10 milyon na nalikom mula sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa bahay ni noo’y justice secretary De Lima sa Parañaque City noong Nobyembre at Disyembre 2012.

Noong 2022, binawi ni Ragos ang kanyang testimonya laban kay De Lima.

Halos pitong taong nakakulong si De Lima bago siya nakalaya matapos mag-piyansa noong Nobyembre 2023. Ang huli sa kanyang tatlong kaso na may kinalaman sa iligal na droga ay na-dismiss noong Hunyo 2024.