-- Advertisements --

Bumuwelta si Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa paratang sa kaniyang nakatanggap siya ng male-maletang pera.

Ayon sa mambabatas, hindi tumutugma ang naturang alegasyon sa timing ng flood control contorversies o sa security systems sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ginawa ng kongresista ang pahayag kasabay ng paglilinaw niya sa mga dahilan kung bakit siya nagsampa ng mga reklamong libel at cyberlibel laban sa 18 dating bagmen at bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co kaugnay sa mga alegasyon na nakatanggap ang ilang mambabatas ng male-maletang pera.

Ayon kay Adiong, matagal na aniyang lumabas ang kaniyang pangalan bago pa man pumutok ang kontrobersiya sa flood control anomaly.

Giit pa ng kongresista na ang natanggap umano niyang pera noong 2023 ay walang katuturan dahil noong 2022 lamang siya nahalal at wala pa siyang chairmanship noon o hinahawakang komite sa kapulungan. Gayundin, noong huling bahagi na aniya ng 2024 nagsimula ang Quad Committee, kung saan siya ay naging miyembro.

Kayat tanong ng mambabatas, kung ano ang kaniyang utang na loob kay Zaldy Co para bigyan siya ng maleta?

Ipinunto rin ni Adiong ang umano’y hindi pagkakatugma sa listahan ng mga akusadong indibidwal, kung saan ilan sa mga pangalan ay lumabas lamang matapos na sila ay maging politically relevant.

Kabilang sa binanggit niya sina Bicol Saro Rep. Terry Ridon, na hindi pa congressman noon at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima, na nakakulong pa noon.

Kaugnay nito, iginiit ni Adiong na kailangang seryosong tugunan ang mga alegasyong ito dahil sinisira nito ang kanilang reputasyon ng wala namang ebidensiya.