Iginiit ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na labag sa Saligang Batas kung agad na ibabasura ng Senado ang articles of impeachment nang walang paglilitis.
Ito ay matapos hilingin ng pangalawang pangulo sa impeachment court na ibasura ang kaso dahil umano sa kabiguang matugunan ang mga itinakdang rekisito ng Konstitusyon.
Ayon kina House prosecutors Leila de Lima at Chel Diokno, tungkulin ng Senado na dinggin ang mga ebidensya at maglabas ng pasya batay sa paglilitis, kaya’t maituturing na maaga o premature ang agarang pagbabasura ng kaso.
Samantala, sinabi ni De Lima na mahigpit nilang tututulan ang anumang mosyon na ihain upang ipabasura ang impeachment case bago pa man ang paglilitis.
Matatandaang sa unang impeachment case laban kay VP Sara noong 2025, naghain si Senador Robin Padilla, na kaalyado ng bise presidente, ng resolusyon na naglalayong ipabasura ang kaso bago pa man mabuo ang impeachment court.
















