LEGAZPI CITY – Stable na ang lagay sa ngayon ng dalawang katao na biktima ng pamamaril sa bayan ng Monreal sa Masbate.
Sugatan sa naturang insidente sina Police Cpl. Romel Bartolay, nakadestino sa Monreal Municipal Police Station at empleyado ng lokal na pamahalaan na si Ricky Canares matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Rizal.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi News Team sa Masbate Police Provincial Office Police Community Relations, nananatili pa ang mga ito sa rural health unit ng bayan.
Lumalabas umano sa paunang pagsisiyasat, magkasunod ang motorsiklo ng dalawa at pabalik na sana ng himpilan matapos umalalay sa seguridad ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at LGU sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP), bago mangyari ang insidente.
Pagdating umano sa boundary ng Brgy. Real at Brgy. Rizal, sinalubong ang mga ito ng putok ng baril mula sa hindi pa matukoy na mga suspek.
Bunsod nito, nagtamo ng tama sa kaliwang bahagi ng ulo ang pulis habang sa likod naman ang tinamong tama ni Canares.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan habang magkaagapay namang nagsasagawa ng pursuit operation ang PNP at Philippine Army.