-- Advertisements --

Inanunsyo ni Indonesian President Prabowo Subianto nitong Linggo, Agosto 31, na nagkasundo na ang mga partidong politikal sa bansa na bawiin ang ilang benepisyo at pribilehiyo ng mga miyembro ng parliyamento, matapos ang malawakang kilos-protesta na nagresulta sa pagkamatay ng lima katao na itinuturing na pinakamalala matapos ang ilang dekada.

Magugunita na nagsimula ang protesta noong Lunes laban sa umano’y labis na suweldo at allowance sa pabahay ng mga mambabatas.

Lumala ang tensyon nitong Biyernes matapos mapatay ang isang motorcycle ride-hailing driver sa gitna ng kilos-protesta sa kamay ng mga pulis.

Nasunog at ninakawan ang ilang bahay ng mga opisyal at mga gusaling pampamahalaan, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa publiko at pagbagsak ng stock market at halaga ng pera ng Indonesia.

Ayon kay Prabowo, kabilang sa mga babawiin ay ang malaking allowance ng mga mambabatas at ang mga biyahe sa ibang bansa.

Kasabay nito, inatasan niya ang militar at pulisya na mahigpit na tugisin ang mga sangkot sa paninira, pagnanakaw, at kaguluhan.

Tinawag pa niya ang ilang kilos bilang sumisimbilo sa “terorismo” at “pagtataksil” sa bansa.

Kinansela naman ni Prabowo ang nakatakda niyang pagbisita sa China upang tutukan ang sitwasyon.

Kapansin-pansin din ang pag-gamit ng mga opisyal ng karaniwang plaka sa sasakyan —isang hakbang na tila pag-iwas sa galit ng publiko.

Samantala, nananatiling hindi tiyak kung sino ang nasa likod ng malawakang paninira at karahasan na sumunod sa mga protesta.

Ayon sa mga lider ng mga estudyante, hindi sapat ang pagtanggal sa benepisyo ng mga mambabatas, kung saan inihayag ng mga ito na maaari pang masundan ang mga kilos-protesta.