Ibinunyag ng Department of Justice (DOJ) na nagkakasakit na ang ilan sa mga technical diver na sumisisid sa umano’y mga labi ng mga sabungero na itinapon sa Taal Lake.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na diving operation mula nang simulan ito noong July 10.
Ayon kay DOJ Assistant Secretary Eliseo Cruz, ilan sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) na bahagi ng diving team ay nakikitaan na ng magkakaibang sakit dahil sa tuloy-tuloy na pagkakalantad sa malabong tubig ng naturang lawa.
Kabilang dito ang skin irritation, ear infection, diarrhea, ubo’t sipon, atbpa.
Ayon sa opisyal, kailangan na rin ng iba pang kahalili ang ilan sa mga ito upang makapagpahinga muna mula sa mga dinaranas na sakit.
Maliban dito, nahaharap din ang mga diver sa bantang dulot ng mga Taal water snake, isang makamandag na ahas na matatagpuan lamang sa Lake Taal.
Ayon kay Cruz, walang antidote sa Pilipinas laban sa kamandag ng ahas, batay na rin sa impormasyong hawak ng Research Institute for Tropical Medicine.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 401 piraso ng mga skeletal remains ang nai-ahon ng mga diver mula sa naturang lawa.