-- Advertisements --

Libo-libong katao ang lumahok sa mga anti-immigration rally sa iba’t ibang bahagi ng Australia nitong Linggo, Agosto 31, na mariing kinondena ng gobyerno tulad ng Labor agencies sa pangunguna ni Prime Minister Anthony Albanese.

Ayon sa gobyerno, ang rally ay nagpapalaganap lamang ng poot at kaugnay ng mga grupong neo-Nazi.

Nabatid na isinagawa ang mga kilos-protesta ng grupong ”March for Australia” sa Sydney, Melbourne, at iba pang lungsod, bitbit ang panawagang itigil ang ”mass immigration” na umano’y nagpapalala sa problema sa trabaho, pabahay, trapiko, serbisyong medikal, at seguridad.

Ayon kay Murray Watt, isang senior minister, hindi aniya ito tungkol sa pagkakaisa. Ito umano ay tungkol sa pagkakawatak-watak ng komunidad. Sinabi pa niyang ang mga demonstrator ng rally ay may kaugnayan sa mga neo-Nazi.

Sa Sydney, tinatayang 5,000 hanggang 8,000 katao ang dumalo sa rally, ayon sa isang local news. Kasabay nito, isang counter-protest naman mula sa Refugee Action Coalition ang isinagawa, na nilahukan ng daan-daang katao.

Habang sa Melbourne, gumamit umano ng pepper spray ang mga riot police upang kontrolin ang mga nagpo-protesta.