-- Advertisements --

Inanunsyo ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na kikilalanin na ng Australia ang estado ng Palestine sa darating na sesyon ng United Nations (UN) General Assembly sa Setyembre 2025.

Ayon kay Albanese, ang desisyon ay isinagawa matapos makuha ng Australia ang mga pangako mula sa Palestinian Authority, kabilang ang demilitarisasyon, pagdaraos ng halalan, at patuloy na pagkilala sa Israel sa rehiyon.

“It is humanity’s best hope,” ani Albanese, kaugnay ng two-state solution para sa kapayapaan sa Middle East.

Ginawa ang pahayag kasunod ng pag-uusap sa mga lider mula sa UK, France, New Zealand, at Japan.

Mariing tinutulan ng Israel ang hakbang, at sinabing ito ay reward sa mga terorista, lalo na’t patuloy pa rin ang opensiba nito laban sa Hamas sa Gaza, kung saan mahigit 61,000 katao na ang naiulat na nasawi mula noong 2023 ayon sa Hamas-run health ministry.

Sa kabilang banda, sinabi naman ng Palestinian Authority na ang pagkilala ng mga bansa ay patunay ng lumalawak na suporta para sa karapatan ng mga Palestino para mag pasya.

Dagdag pa rito tiniyak pa ni Albanese na hindi nito bibigyan ng papel ang Hamas sa para pang himasukan ang Palestine.

Samantala, nanindigan naman ang Estados Unidos na hindi nito kikilalanin ang estado ng Palestine sa ngayon, dahil umano sa kawalan ng epektibong pamahalaan.

Binatikos naman ni Israeli PM Benjamin Netanyahu ang Australia at mga bansa sa Europa sa kanilang hakbang, na tinawag niyang “shameful.”

Sa kasalukuyan, 147 mga bansa sa 193 miyembro ng UN ang kumikilala sa estado ng Palestine, na may “permanent observer state” status sa organisasyon.