Lumalabas na ang ideolohiya ng Islamic State ang motibo sa marahas na pamamaril sa Bondi Beach sa Australia, ayon kay Australian Prime Minister Anthony Albanese.
Base sa ulat, ang mga suspek na pinangalanan ng local media bilang sina Sajid Akram, 50 anyos at kaniyang anak na si Naveed, 24 anyos, ay nanumpa ng katapatan sa Islamic State group.
Tinarget ng mag-amang suspek ang Jewish community na dumadalo sa unang araw ng Hanukkah, taunang Jewish festival, na kumitil ng 15 katao at ikinasugat ng 40 iba pang indibidwal.
Nauna ng kinumpirma ng local police na napatay sa mismong crime scene ang amang suspek habang nasa kritikal subalit stable condition naman ang kaniyang anak.
Samantala, nakatakdang bisitahin naman ni PM Albanese ang itinuturing na bayani na pumigil at nang-agaw ng baril mula sa suspek na si Ahmed al Ahmed na nasa ospital matapos magtamo ng ilang tama ng bala at sumailalim sa surgery para sa kaniyang tinamong mga sugat.
Tinawag din ng Prime Minister si Ahmed bilang isang bayani na aniya’y dapat kilalanin.
















