-- Advertisements --

Ipinahayag ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang pagkondena sa naganap na pamamaril sa Bondi Beach, tinawag niya itong “act of evil antisemitism” na naglalayong saktan ang mga miyembro ng Hudyo sa Australia.

Ang insidente, ay naganap habang ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang Pasko ng Pag-iilaw (Hanukkah), kung saan nag-iwan ng takot at pangamba para sa mga Jewish community sa Australia.

Sinisi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at ng iba pang mga opisyal ng Israel ang pamahalaan ng Australia sa hindi sapat na pagtugon laban sa lumalalang antisemitism sa bansa.

Kinumpirma rin ng mga awtoridad na ang pamamaril ay isang teroristang pag-atake, ngunit hindi pa malinaw ang bilang ng mga salarin o ang kanilang tunay na motibo.

Sa kabilang banda ay hindi pa inilalabas ng mga awtoridad pagkakakilanlan ng mga biktima upang bigyang galang ang kanilang mga pamilya.

Ayon kay NSW Police Commissioner Mal Lanyon, nagsasagawa na ngayon ang pulisya ng masusing imbestigasyon at hiniling sa publiko na huwag magkalat ng maling impormasyon patungkol sa insidente.

Patuloy din ang mga panawagan ng mga awtoridad na huwag magbahagi ng mga graphic video mula sa insidente sa internet.

Kaugnay nito binalot naman ng takot ang Jewish community sa Australia kung saan ang ilan sa mga ito ay gusto nang lumipat ng lugar.