Natukoy na ang mga suspek sa likod ng marahas na insidente ng pamamaril sa Bondi Beach sa Australia nitong Linggo na kumitil na ng 16 na katao habang 40 iba pang indibidwal ang nananatili sa pagamutan.
Ayon sa local police, napatay matapos mabaril ng police sa mismong crime scene ang 50 anyos na suspek na isang ama habang ang kaniyang anak na 24 anyos ay nasa kritikal subalit stable na kondisyon.
Ang 50 anyos na suspek ay napag-alamang isang licensed firearms holder at mayroong anim na baril na nakarehistro sa kaniyang pangalan, na natagpuan sa may Bondi Beach.
Natagpuan din sa mismong pinangyarihan ng krimen ang dalawang active improvised devices subalit kalaunan ay idineklarang ligtas ang lugar matapos tanggalin na ang mga pampasabog sa lugar.
Matapos ang insidente, nagpakalat ng 328 police officers para magbigay ng karagdagang seguridad at suporta para sa Jewish community sa Sydney.
Sa nangyari kasing pamamaril, pinunterya ang Jewsih community na nagdiriwang ng pagsisimula ng taunang Hanukkah, ang walong araw na Jewish Festival of Lights.










