-- Advertisements --

Suportado ng liga ng mga lungsod sa Pilipinas ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na humingi muna ng permiso mula sa mga lokal na pamahalaan bago simulan ang bagong mga proyekto.

Ayon kay League of Cities of the Philippines (LCP) national president at San Juan City Mayor Francis Zamora na base sa mga alkalde na kaniyang nakausap ay kinumpirma nilang hindi sila nasasabihan kaugnay sa mga proyektong ginagawa sa kanilang nasasakupang lugar.

Kayat malaking tulong aniya ang direktiba ng Pangulo para mapigilan itong mangyari.

Ginawa naman ng liga ang pahayag kasunod ng pagpuna ng administrasyong Marcos sa mga napaulat na ghost at substandard na flood control projects.

Nauna na ngang naglabas ng dalawang pahayag ang liga kung saan ang una ay nagpapahayag ng buong suporta sa kautusan ng Pangulo para sa imbestigasyon ng mga palpak at ghost projects at ikalawa, ang pagsuporta nila sa direktiba na nagaatas sa mga ahensiya gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kunin muna ang permiso ng mga lokal na pamahalaan.

Naniniwala si Zamora na magreresulta sa mas magandang proyekto kapag kasama ang LGUs sa proseso ng pagpaplano.