-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sinimulan na ang public viewing sa mga labi ng binaril-patay na beteranong mamamahayag na si Johnny Dayang sa Chapel of the Saints sa St. John The Baptist Cathedral na magtatagal hanggang Mayo 3, araw ng Sabado, upang mabigyan ng pagkakataon ang kaniyang mga kaanak, kaibigan, kasamahan sa media industry at mga mamamayan na masilayan ito sa huling sandali sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Ayon sa kaniyang anak na si Juan “Jed” Dayang Jr., isang senior Philippine diplomat na kasalukuyang naka-assign sa bansang Turkey, kagaad silang lumipad papuntang Kalibo, Aklan nang makarating sa kanila ang masalimuot na balitang pagkasawi ng kanilang minamahal na ama.

Aniya, lubos silang nalungkot sa napaagang paglisan ng kanilang ama na nagbabalak na sana ng isang malaking selebrasyon para sa kaniyang ika-90 anyos na kaarawan sa buwan ng Hunyo.

Ngunit, bilang kristiyano aniya ay naniniwala ang mga ito na kailangang maging handa ang lahat sa panahon ng kamatayan pero hindi sana sa ganitong paraan.

Nananawagan naman ang mga ito ng patuloy na pagdadasal para sa kanilang ama na malaki ang naging ambag sa media industry lalo na sa mga batang journalist.

Samantala, ililipad papuntang Metro Manila ang mga labi ng 89-anyos na Chairman Emeritus ng Publishers Association of the Philippines Incorporated (PAPI) at founder ng Aklan Press Club kung saan, ihihimlay siya mula May 4 hanggang 7 sa Sanctuario de San Antonio, Makati bago ihatid sa kaniyang huling hantungan sa Manila Memorial Park, Sucat.

Maalalang pinagbabaril-patay ang beteranong journalist, Martes ng gabi, April 29 habang nasa loob ng kaniyang bahay ng hindi pa nakikilalang gunman na gumamit ng motorsiklo bilang get-away vehicle.