BUTUAN CITY – Nasa malubhang krisis ngayon ang healthcare system ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng mga batayang serbisyong pangkalusugan na kailangan ng mamamayan.
Ayon kay Eleanor Nolasco, National President ng Filipino Nurses United, maraming komunidad ang walang maayos na primary health services kung kaya’t nahihirapan silang makalapit sa mga pampublikong ospital kung magkakasakit dahil sa mahirap na accessibility, mahabang oras ng paghihintay, at mataas na gastusing kailangang ilabas mula sa sariling bulsa ng pasyente.
Dahil dito’y inihayag ng opisyal na kailangang itaguyod ang mga hakbang upang matamasa ng taumbayan ang mga pangunahing serbisyong nararapat sa kanila.
Tinukoy rin nito ang kontrobersyal na Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program o MAIFIP dahil sa halip na direktang mapunta ang pondo sa mga pampublikong ospital, maaari lamang itong ma-avail sa pamamagitan ng guarantee letter mula sa mga politiko na lumilikha ng pananaw na parang may utang na loob pa ang mga pasyente kapag ginagamit ang naturang tulong, na taliwas sa diwa ng wastong serbisyong publiko.
Inilarawan ni Nolasco ang MAIFIP bilang isang malaking scam at malinaw na paglabag sa karapatan ng mamamayan na dapat sana’y nakatanggap ng maayos na serbisyong pangkalusugan, lalo na’t napakaliit ng pondong inilalaan para sa naturang programa.
















