Tinaasan ng House of Representatives ang pondo para sa sektor ng agrikultura sa ₱292.9 bilyon sa House version ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) na layong palakasin ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda, paunlarin ang imprastrakturang rural, at palawakin ang farm mechanization.
Ayon kay House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, nagdagdag ang Kamara ng ₱53.8 bilyon sa agriculture cluster bilang bahagi ng pagtutok sa food security at rural development.
Kabilang sa dagdag-pondo ang ₱10 bilyon para sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 1.43 milyong magsasaka at mangingisda, at ₱35.5 bilyon para sa farm-to-market roads at irrigation, na magdadala sa kabuuang pondo nito sa ₱74.5 bilyon.
Naglaan din ang House ng ₱30 bilyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund para sa farm mechanization, ₱1 bilyon para sa crop insurance, ₱2.4 bilyon para sa deep-water ports, at ₱200 milyon para sa pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act.
Sinabi ng Kamara na layon ng mga pondong ito na pababain ang gastos sa produksyon, pataasin ang ani at kita ng mga magsasaka, at palakasin ang sektor ng agrikultura habang nagpapatuloy ang bicameral deliberations sa 2026 budget.
















