BACOLOD CITY – Kaagad na binawian ng buhay ang public information officer ng Hinobaan, Negros Occidental makaraang binaril ng kanyang sariling tiyuhin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Maj. Gerry Nacion, hepe ng Hinobaan Municipal Police Station, binaril ang biktimang si Hernani Gustilo Jr. sa harap mismo ng Don Eleuterio Decena District Hospital kahapon ng hapon.

Naglalakad umano ang biktima nang bigla itong sinalubong ng pinsan ng kanyang ina na si Vicente Pamplega at binaril gamit ang .45 caliber pistol.

Tinamaan sa dibdib si Gustilo at tumagos sa likod na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Kaagad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen at patuloy ngayon ang hot pursuit operation ng mga pulis.

Ayon sa hepe, may matagal nang away ang biktima at ang suspek na pinaniniwalaang motibo sa krimen.