Kinumpirma ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang unang kaso ng sugarcane infestation sa Negros Occidental, dahil sa red-striped soft scale insects (RSSI).
Natukoy ng SRA ang presensya ng mga ito sa anim na lugar sa Northern NegOr.
Ito ang unang kumpirmadong pest infestation sa naturang probinsya na itinuturing bilang sugar bowl ng bansa dahil sa nagmumula dito ang halos 70% ng annual production ng asukal sa Pilipinas, batay na rin sa datus ng ahensiya.
Bumuo na rin ang SRA ng isang task force na pinangungunahan ni SRA board member David Andrew Sanson para magsagawa ng control operations at mapigilan ang paglawak ng problema, sa tulong ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Isa sa mga inisyal na plano ng task force ay ang makakuha ng quarantine measure mula sa Department of Agriculture.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP), may kakayanan ang naturang peste na pabagsakin ang sugar content ng mga tubo ng hanggang 50%, daan upang magdulot ng labis na production loss kung napabayaan.
Unang nagkaroon ng kahalintulad na infestation sa probinsya ng Pampanga noong 2022.
Ayon kay SRA administrator Pablo Luis Azcona, pinagsususpetsahang nagmula ang naturang peste sa Luzon, kaya’t pinag-iingat nito ang mga magtutubo na maging maingat sa pagbili ng mga cane points o mga punlang tubo.
Hanggang sa kasalukuyan kasi aniya ay nananatili pa rin ang banta ng RSSI dito sa Luzon, kaya’t mainam na itigil muna ang pagbibiyahe ng mga planting materials mula Luzon at iba pang lugar na unang natukoy na apektado ng naturang peste upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng naturang sakit.