-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ng Office of Civil Defense – Negros Island Region na agad nilang alisin ang ipinatupad na entry ban sa loob ng 6km extended danger zone ng bulkang Kanlaon sakaling bumuti na ang sitwasyon.

Ang naturang suspensyon ay matapos makapagtala noong Linggo, Hunyo 22, ng 67 volcanic quakes sa bulkang Kanlaon, 755 tonelada ng sulfur dioxide, at 950 metrong taas ng ash plume.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay OCD NIR Director Donato Sermeno III, sinabi nitong epektibo ngayong araw, Hunyo 24, mahigpit na pinagbabawalang bumalik sa kanilang tahanan ang mga residenteng nasa loob ng extended danger zone.

Una na kasing nagtakda ng window period mula alas 6 ng umaga hanggang sa alas 4 ng hapon para sa mga ito na makauwi at maasikaso ang kanilang sakahan at iba pang livelihood activities.

Binigyang-diin pa ni Sermeno na ang naturang kautusan ay para na rin umano sa kaligtasan ng nasa mahigit 2,400 pamilyang apektado ng pag-aalburuto ng bulkan sa isla.

Kasama na dito ang mga naapektuhang pamilya sa Canlaon City, La Carlota, La Castellana at Bago City.

Idinagdag nito na kung magpapatuloy na kaunti na lang ang volcanic quakes na maitala at tumaas ang sulfur dioxide emission, maaari naman umano nilang alisin ang naturang entry ban at payagan na muling umuwi ang mga ito sa kanilang tahanan sa loob ng itinakdang window period.

Sa ngayon ay patuloy naman umano nilang binabantayan ang aktibidad ng bulkan at hinihimok ang kooperasyon ng publiko na sumunod sa mga hakbang sa kaligtasan.