Iginiit ng Malacañang na public health solution ang ipinatutupad ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic at hindi military solution.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng puna ng ilang grupo na nagsabing walang konkretong hakbang ang pamahalaan para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa at idinadaan lamang sa panay pagbabanta ng mga opisyal ng militar o kaya ay ang kapansin-pansin umanong puro dating military officials ang kaharap at inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte para kumilos.
Sinabi ni Sec. Roque, ginagamit lamang ng pamahalaan ang kakayahan at karanasan ng military officials para mabilis na maiparating ang public health solution.
Ayon kay Sec. Roque, kung walang ginagawa ang gobyerno tulad ng akala ng ilang indibidwal, umabot na sana sa daan-daang libo ang mga namatay sa COVID-19 dito sa bansa.
Sa ngayon, pawang mga dating military officials na miyembro na ngayon ng gabinete ni Pangulong Duterte ang nasa frontlines sa pagtugon ng bansa sa COVID-19, kabilang dito sina Defense Sec. Delfin Lorenzana na siyang chairman ng National Task Force Against COVID-19, DILG Sec. Eduardo Año na siyang vice chairman, National Action Plan chief implementer Sec. Carlito Galvez at ang bagong talaga ni Pangulong Duterte bilang pointman sa Cebu City na si DENR Sec. Roy Cimatu.