-- Advertisements --

Dinaluhan ng iba’t-ibang grupo ang protesta laban sa korapsyon sa flood control projects na siyang ginanap sa Lipa City, Batangas ngayong araw ng Linggo, Oktubre 19.

Nagtipon-tipon sa community park ang mga lumahok sa protesta kung saan nagka-isa ang mga taga simbahan, ilang grupo ng mga Muslim, mga senior citizen, at dinaluhan din ng ilang mga kabataan at mga nagtatrabaho sa sektor ng transportasyon at maging iba pang mga manggagawa.

Ayon kay Ferdinand Alilio, organizer ng Tindig Batangas, Ito umano ang kauna-unahang protesta na isinagawa sa Batangas simula nang pumutok ang isyu ng korapsyon sa flood control projects dahil sa may pagiging conservative ng mga tao sa lugar na siyang hindi aniya ugali ang magsagawa ng mga kilusan ngunit masyado na umanong sobra ang ginagawa ng mga opisyal sa gobyerno na sangkot sa mga naturang isyu.

Dagdag pa dito, kailangan umano ng mga Batangueños na magkaroon ng paninidigan laban sa klantarang katiwalian kung saan umaasa ang organisasyon na mas marami pa ang mga kababayan nila na magpapahayag ng kanilang suporta at magpakita ng kanilang saloobin laban sa korapsyon sa gobyerno.

Batay naman sa datos ng Lipa City Police Station umabot sa hindi bababa na 500 ang bilang ng dumalo sa protesta na kinumpirma namang nakipagugnayan at may mga sapat na permit naman mula sa lokal na pamahalaan ng Batangas.

Nagbahagi naman ang pulisya ng mainit na lugaw at libreng gupit sa mga dumalo sa protesta.

Samantala, inihayag naman ng Tindig Batangas na makikiisa ang kanilang grupo sa gaganapin na malawakang protesta laban sa korapsyon sa Metro Manila sa darating ng Nobyembre 30, 2025.