-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-apply ng freeze order sa overseas assets ng dalawang indibidwal na umano’y sangkot sa flood control scandal.

Bagaman hindi pa pinapangalanan dalawang nabanggit na inibidwal, sinabi ni AMLC executive director Matthew David na ang assets ng mga ito ay aabot sa P3.9 billion.

Ayon kay David, dati nang nasa ilalim ng freeze order ang maraming accounts at ari-arian ng dalawang personalidad na nasa Pilipinas.

Gayunpaman, lumalabas aniya na may mga account at ari-arian pa ang mga ito sa ibang bansa at aabot din sa ilang bilyon ang natunton na halaga ng mga ito.

Giit ng AMLC Chief, kung may mga property ang mga flood control suspect na nasa ibang bansa, hindi mag-aatubili ang konseho na habulin din ang mga ito, upang maibalik sa pag-iingat ng Pilipinas.

Patuloy aniya ang pagsuyod ng konseho sa ari-arian ng mga nasasangkot sa malawakang korapsyon upang mahabol ang lahat ng mga pondo na ninakaw mula sa kaban ng bayan.