-- Advertisements --

Inanunsyo ni AFP Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. na hindi magkakaroon ng malaking pagdiriwang ng Pasko ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong taon.

Bahagi ito ng pagpapakita ng pagkakaisa sa mga Pilipinong nakakaranas ng paghihirap dahil sa mga isyu ng korapsyon sa gobyerno at sa mga nasalanta ng iba’t ibang kalamidad.

Ginawa ni Gen. Brawner ang anunsyo sa sa ginanap na flag raising ceremony, kasabay ng send-off para sa mga delegadong lalahok sa 33rd Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Brawner isang simpleng programa lamang ang kanilang isasagawa bilang pagtalima sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.

Sa halip na isang malaki at magarbo na pagdiriwang, mas pagtutuunan nila ng pansin ang pagkilala at pagpaparangal sa mga natatanging “Kawal ng Bayan” na nagpakita ng kahusayan sa kanilang tungkulin.

Bukod dito, magsasalo-salo rin sila sa isang boodle fight, kung saan sama-sama nilang ipagdiriwang ang Pasko at ang ika-90 anibersaryo ng AFP.

Mahalagang alalahanin na kamakailan lamang ay nakaranas ang Pilipinas ng sunod-sunod na malalakas na lindol, partikular na sa mga lugar tulad ng Cebu at Davao.

Bukod pa rito, nanalasa rin ang mga bagyong Tino at Uwan, na nagdulot ng malaking pinsala sa iba’t ibang komunidad sa bansa. Dahil dito, minabuti ng AFP na maging sensitibo sa kalagayan ng mga Pilipino at magtipid sa kanilang pagdiriwang ng Pasko.