-- Advertisements --

Ipinasara ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang St. Gerrard Construction at walo pang kumpanyang pagmamay‑ari nina Curlee at Sarah Discaya dahil sa kabiguang magbayad ng humigit‑kumulang P1.1 bilyon sa buwis.

Bukod sa malaking tax deficiency, nadiskubre rin ng LGU na wala umanong occupancy permit at walang lisensiya mula sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang mga naturang kumpanya.

Ayon sa Pasig City Business Permits and Licensing Office, malinaw na paglabag sa lokal at pambansang regulasyon ang kawalan ng mga permit, lalo na’t kinakailangan ang PCAB license para sa anumang construction firm.

Ang mga kumpanyang pagmamay‑ari ng pamilyang Discaya ay nasangkot din sa mas malawak na kontrobersiya matapos maiugnay sa umano’y ghost flood control projects sa ilang lalawigan.

Sa mga naunang imbestigasyon, lumabas na ilang proyekto na nakapangalan sa St. Gerrard Construction ay walang aktwal na konstruksyon ngunit nakapaglabas umano ng pondo mula sa pambansang badyet.

Dahil dito, ilang opisyal ng DPWH at mga personalidad mula sa mga kumpanyang konektado sa Discaya ang inirekomenda ng Ombudsman na sampahan ng kasong kriminal.

Nanindigan naman ang Pasig LGU na mananatiling ipinatutupad ang closure order hangga’t hindi natutugunan ng mga kumpanya ang kanilang obligasyon sa buwis at kinakailangang permit.