-- Advertisements --

Pinaghahandaan pa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang magiging proseso at guidelines ng pagla-livestream ng mga proceedings ng komisyon kasunod ito ng pag-anunsiyo ni ICI Chairperson Ret. Justice Andres Reyes Jr sa Senado na aasahan na ang pagsasapubliko ng mga pagdinig sa susunod na linggo.

Ngunit, nilinaw ni ICI Spox Brian Keith Hosaka na wala munang mangyayaring livestreaming sa susunod na linggo dahil wala ring nakatakdang hearing ang komisyon. Aniya, hindi kasi makakadalo sa mga pandinig ang isa sa mga miyembro ng komisyon na si Rogelion ‘Babes’ Singson.

Iginiit pa ni Hosaka na kailangang tiyakin na mapangalagaan ang mga sensitibong impormasyon at mga konstitusyunal na karapatan ng mga iimbitahan na mga resource person.

Matatandaang nakatakda pang bumalik ng komisyon si dating House Speaker Martin Romualdez at dating DPWH Usec Roberto Bernardo para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa isyu ng flood-control projects.

Kaugnay nito, nilinaw rin ng komisyo ang naging pahayag ni Justice Reyes sa Senado kahapon na nasa 1% umano ng mga vouchers mula sa DPWH-QC ang nasunog sa tanggapan sa lungsod ng Quezon.

Ani ng komisyon, ito ay alegasyon pa lamang mula sa testamento ni dating Asst District Engineer Brice Hernandez sa kanyang pagharap sa komisyon at patuloy pa rin nila itong bineberipika.